Inilunsad ang programang Arroz Caldo ni Tsip sa isinagawang GIP Cares Caravan of Services Community Outreach noong ika-13 ng Nobyembre, 2024 sa Tumana Child Development Center sa Davao del Norte.
Sa pagkakataong ito, ang mga mag-aaral ng Tumana Child Development Center na kasali sa Government Internship Program (GIP) Cares, ang naging pangunahing benepisyaryo ng mga serbisyong hatid ng programa.
Bilang bahagi ng mga aktibidad, nagbigay ang mga tauhan ng Kapalong Municipal Police Station ng libreng Arroz Caldo ni Tsip sa mga mag-aaral, isang simpleng ngunit masustansyang pagkain na nagbibigay-init sa katawan at kagalakan sa mga bata.
Ang pamamahagi ng Arroz Caldo ay hindi lamang isang paraan ng pagtulong sa pisikal na pangangailangan ng mga bata, kundi pati na rin ng pagpapakita ng malasakit at pakikisalamuha mula sa mga lokal na awtoridad.
Bukod sa pamamahagi ng pagkain, ang mga stakeholders ng programa ay nag-organisa rin ng iba pang mga aktibidad upang maging mas masaya at makulay ang araw ng mga mag-aaral.
Kabilang dito ang mga educational activities tulad ng role-playing, kwentuhan at pagbabasa na nagbigay sa kanila ng pagkakataong matuto ng mga mahahalagang aral at pagpapahalaga.
Ang aktibidad na ito ay isang malinaw na halimbawa ng kooperasyon ng iba’t ibang sektor—kabilang ang kapulisan, mga stakeholder, at mga lokal na institusyon upang magkaisa sa pagpapabuti ng kalagayan ng mga bata at ng buong komunidad.