South Cotabato – Arestado ng mga awtoridad ang isang 27-anyos na lalaki matapos lumabag sa umiiral na COMELEC Gun Ban at makuhanan ng ilegal na droga sa Purok Maharlika, Brgy. Magsaysay, Polomolok, South Cotabato nito lamang ika-20 ng Oktubre 2023.
Kinilala ang suspek na si alyas “Jimmy”, walang asawa, at residente ng Brgy Kematu, Tboli, South Cotabato.
Sa report ng Polomolok Municipal Police Station, nakatanggap ng tawag ang kanilang tanggapan mula sa isang concerned citizen na nagsabing may dala-dalang baril ang nasabing suspek.
Agad namang tinungo ng mga awtoridad ang naturang lugar upang beripikahin ang ulat, nang makita ng suspek ang mga rumespondeng kapulisan ay bigla pinaputokan dahilan para gumanti ang mga awtoridad.
Matagumpay namang nakorner ang suspek subalit nagtamo ito ng tama ng bala sa kaliwang bahagi ng kanyang kamay at agad dinala sa pinakamalapit na hospital.
Nakuha mula sa suspek ang isang yunit ng Cal. 38 revolver na may kasamang mga bala, at dalawang sachet ng hinihalaang shabu na may bigat na 0.42 gramo na nagkakahalaga ng Php9,561.
Ang suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165, RA 10591 at BP 881 (Omnibus Election Code).
Patuloy ang panawagan ng Polomolok PNP sa lahat ng nagmamay-ari ng baril na walang kaukulang dokumento na isuko sa kanilang himpilan upang maiwasan magkaroon ng kaso.