Nanguna ang Rotary Club of Cagayan de Oro at City Museum sa unveiling ng supplemental marker na inilagay sa likurang bahagi ng pedestal ng Justiniano R. Borja monument sa JR Borja at Kiosko Kagawasan Park, Divisoria Plaza, Cagayan de Oro City noong Hunyo 30, 2025.
Pinangunahan ang maikling programa nina Rotary Club President Neil Ronald Que, Project Chairman at Immediate Past President Tito Noel Mora, at mga kinatawan ng pamilyang Gorospe.
Ang nasabing monumento ay likha ng Pambansang Alagad ng Sining na si Napoleon Abueva, matapos itong ipakomisyon ng Rotary Club of Cagayan de Oro sa ilalim ng pamumuno ni Benjamin K. Gorospe noong taong 1977–1978.
Layunin ng proyekto na magbigay-pugay kay Justiniano R. Borja, dating alkalde ng lungsod, bilang pagkilala sa kanyang mahalagang ambag sa Cagayan de Oro.
Kilala si Borja bilang “Ama ng Lungsod”, na nagsilbi bilang mayor mula 1954 hanggang 1964.
Sa mensaheng ipinaabot ni Mayor Rolando “Klarex” Uy sa pamamagitan ng kanyang tagapagsalita na si Mr. Jan Gilmore Actub, ipinaabot niya ang taos-pusong pasasalamat sa Rotary Club.
Aniya, ang ganitong inisyatibo ay nagpapakita ng matibay na pagkakaisa sa pagitan ng lokal na pamahalaan at ng mga civil society organizations para sa patuloy na pag-unlad ng lungsod.
Dumalo rin sa seremonya ang mga kinatawan mula sa City Museum and Heritage Studies Center, City Historical Commission, at City Information Office.
