Muling pinatunayan ng Davao Oriental na buhay na buhay ang diwa ng bayanihan sa kanilang lalawigan matapos tanghaling isa sa mga pinakamahusay sa 2025 Regional Sandugo Awards noong Hulyo 28 sa Apo View Hotel, Davao City.
Sa bawat patak ng dugong ibinahagi ng kanilang mamamayan, mas umigting ang misyon ng lalawigan na magligtas ng buhay.
Sa 1.40% blood donation rate at 41.29% donor retention rate, umangat ang Davao Oriental bilang modelo ng boluntaryong pagbibigay ng dugo sa buong rehiyon.
Hindi lamang ang probinsya ang pinarangalan kundi pati ang 42 barangay at isang bayan na buong pusong sumuporta sa programa.
Kasama sa mga dumalo sa pagdiriwang sina Cateel Mayor Emilou Nuñez, mga municipal health officers, at blood program coordinators mula sa iba’t ibang LGU.
Sa patuloy na pagtutulungan ng komunidad, lokal na pamahalaan, at mga health workers, higit pang buhay ang tiyak na maliligtas—patunay na sa Davao Oriental, ang dugong iniaalay ay dugong may puso para sa kapwa.
