Nasa mahigit 10 milyong halaga ng kagamitang pang-edukasyon ang ipinamahagi ng lokal na pamahalaan ng Sarangani Province sa iba’t ibang paaralan sa kanilang nasasakupan na ginanap sa Kapitol Gymnasium, Alabel, Sarangani Province nito lamang ika-22 ng Pebrero 2024.
Pinangunahan ni Governor Rogelio D. Pacquiao ng Sarangani Province katuwang ang mga tauhan ng Department of Education ng Sarangani Province ang naturang programa.
Ang aktibidad ay bahagi ng “Learning Effectively through Enhanced and Evidenced-Based Pedagogies” o (LEEP) kung saan nasa 166 units ng television sets na may sukat na 55-inch at 93 laptop ang ipinamigay sa nasabing mga paaralan at 20 units naman ng 45-inch TV ang inilaan para sa Kindergarten Volunteer Teachers (KVT) sa 20 paaralan.
Layunin ng LEEP program na maiangat ang paraan ng pagtuturo hindi lamang sa pamamagitan ng mga libro kundi sa pamamagitan ng pagpapaliwanag ng mga konsepto ng mga aralin na mas maunawaan ng mga mag-aaral sa pamamagitan ng kagamitang multimedia.