Libo-libong Aleosanon ang nagtipon at nakisaya sa makulay na pagdiriwang ng ika-42 na taong anibersaryo at Kasadyahan Festival 2024 ng bayan ng Aleosan na ginanap sa kanilang Municipal Covered Court nitong ika-6 ng Abril 2024.
Tampok sa naturang selebrasyon ang mga inihandang aktibidad ng lokal na pamahalaan ng bayan sa pangunguna ni Municipal Mayor Eduardo C. Cabaya gaya ng “Drum and Lyre Competition”, “Kasadyahan sa Dalan” at “Float and Lechon Manok Parade” na nilahukan ng iba’t ibang mga barangay mula sa nabanggit na bayan.
Personal ding nagpaabot ng pakikiisa sa selebrasyon si Board Member Sittie Eljorie Antao-Balisi bilang kinatawan ni Governor Emmylou “Lala” J. TaliƱo-Mendoza kung saan sa kanyang naging mensahe ay pinasalamatan nito ang lahat ng mga mamamayan sa kanilang suporta at pakikipagtulungan upang makamit ang kaunlaran sa bayan.
Pasasalamat din ang ipinaabot ni Mayor Cabaya kay Governor Mendoza sa patuloy na pagpapadama ng mga programa at proyekto ng Serbisyong Totoo sa bawat mamamayang Aleosanon.