Nakatanggap ang mga lolo at lola ng kanilang inaasam-asam na social pension sa Bayan ng Pikit, Cotabato nito lamang ika-3 ng Abril 2024.
Batay sa datos ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) na siyang nangasiwa ng nasabing pay-out, tinatayang 8,898 na mga nakatatandang PikiteƱo ang nakatakdang makakuha ng tig-Php1,000 monthly stipend o Php6,000 kabuuang halaga para sa unang semestre ng taong 2024.
Abot sa Php53,388,000 na pondo ang inilaan ng pamahalaang nasyunal sa ilalim ng liderato ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. para sa mga lolo at lola mula sa nabanggit na bayan upang makatulong sa mga pangunahing gastusin ng mga ito sa araw-araw.
Katuwang ng national government sa pagtataguyod ng nasabing programa ang mga tanggapan nina Department of Social Welfare and Development Office (DSWDO) Secretary Rex Gatchalian at DSWD XII Regional Director Loreto V. Cabaya, Jr.
Kasama ng PSWDO sa naturang pay-out ang Provincial Treasurer’s Office (PTO) na magpapatuloy hanggang April 5, 8 at 10, taong kasalukuyan. Aktibo ring tumulong ang mga kinatawan mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), Barangay Peacekeeping Action Team (BPAT), at mga opisyales ng barangay.
Layunin nitong ipadama ang malasakit sa mga senior citizen na bigyan ng tulong pinansyal upang may mapanggastos sa pangbili ng kanilang mga pangangailan.