Nagsagawa ng Serbisyo ang Bookmobile Library ng LGU Cotabato sa Biangan Elementary School, Makilala, Cotabato nito lamang ika-12 ng Mayo 2024.
Matatamis na ngiti mula sa 85 na mga mag-aaral ng Biangan Elementary School sa bayan ng Makilala ang sumalubong sa “Library-on-Wheels” ng pamahalaang panlalawigan sa pamumuno ni Governor Emmylou “Lala” J. Taliño-Mendoza.
Sa pangunguna ni Provincial Librarian Aurora P. Nebrija, inihatid dito ang iba’t ibang aktibidad tulad ng “reading time”, “puzzle making”, paggamit ng “tablet” at “talking pen” at pagpapaunawa sa mga benepisyaryo sa tamang paggamit ng silid-aklatan.
Bitbit ang mga makabuluhan at nakakaaliw na mga libro, binisita ng Provincial Library ang nasabing paaralan upang ipaabot ang “Bookmobile Library Services Program” ng kapitolyo na may layuning mabigyan ng dagdag kaalaman ang kabataang Cotabateño lalo na ang kamalayan sa kahalagahan ng pagbabasa ng libro sa kabila ng pag-usbong ng teknolohiya.
Layunin nito na isulong ang pantay at dekalidad na edukasyon para sa mga kabataan upang matulungan itong maabot ang mga pangarap sa buhay.