Ang Philippine Eagle o haribon ay kinokonsiderang pinakamalaking agila sa buong mundo na makikita sa mga gubat ng Luzon, Samar, Leyte at Rehiyon XII o SOCCSKSARGEN.
Ito ay ang Pambansang Ibon ng Pilipinas. Ang haribon ay simbolo ng katapangan ng mga ninuno ng Pilipino. Ito’y inaalagaan at binabantayan sa Philippine Eagle Center na matatagpuan sa Barangay Malagos sa Davao City na naglalaman ng mahigit 30 Philippine Eagles, 18 dito ay mga bihag.
Kasama ng pag-aalaga sa mga agila, ang Philippine Eagle Center ay tahanan din ng higit sa 100 iba pang ibong, reptilya, at mammal. Ang layunin ng Philippine Eagle Center ay upang magbigay ng inspirasyon sa mga nagpupunta dito na tumulong na iligtas ang mga endangered species.
Tampok din dito ang iba’t ibang pasilidad kung saan maaari kang makipag-ugnayan sa ilan sa mga Philippine Eagle. Isa sa mga pinakasikat na pasilidad dito ay ang Flight Zone Center, kung saan isinasagawa ang palabas na “Raptors in Flight” kung saan ipinapakita ng mga wildlife rangers ang mga skills and trick ng mga agila at iba pang ibon.
Dito mapapanood at makikita kung gaano kalaki habang lumulipad sa kalangitan at kung paano humuli ng pagkain sa himpapawid. Mahahanap naman sa Talon Alley ang kuwento ng bawat ibong napupunta sa Center, lalo na ang Philippine Eagles kung paano ito nailigtas mula sa Poaching o ilegal na paghuli sa mga hayop.