Makukulay, puno ng mga palamuti, at naggagandahang parada ng Guinakit Fluvial Parade ang itinampok sa pagdiriwang ng Shariff Kabunsuan Festival nito lamang ika-19 ng Disyembre 2024 sa Cotabato City.

Nagsimula ang parada sa Mother Barangay (MB) Kalanganan Boulevard at nagtapos sa Ministry of Transportation and Communications-Bangsamoro Ports Management Authority (MOTC-BPMA) Port, Rajah Tabunaway Boulevard, Cotabato City.

Puno ng kasiyahan at diwa ng paggunita ang ilog, habang ang mga Guinakit—mga tradisyunal na bangka na puno ng makukulay na dekorasyon—ay naglayag upang ipakita ang mayamang kasaysayan at kultura ng Bangsamoro.

Ang Guinakit Fluvial Parade ay sumasalamin sa makasaysayang pagdating ni Shariff Mohammad Kabunsuan, isang misyonerong Muslim mula sa Johor, Malaysia, na nagdala ng Islam sa mainland ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) noong ika-16 na siglo.

Itinuturing ang pagdating niya bilang simula ng pag-usbong ng Islam sa rehiyon, na nagbunsod ng pagbubuo ng matibay na pamayanan batay sa pananampalataya at kultura.

Dinaluhan ang aktibidad ng iba’t ibang sektor, kabilang ang mga lokal na opisyal, lider ng komunidad, kinatawan mula sa gobyerno ng Bangsamoro, at mga mamamayan mula sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon.

Ang kaganapang ito ay nagbigay-diin sa kahalagahan ng pagkakaisa, tradisyon, at kasaysayan bilang pundasyon ng kasalukuyang tagumpay at pag-unlad ng Bangsamoro.

Bukod sa parada, tampok din sa pagdiriwang ang iba’t ibang aktibidad tulad ng cultural presentations, paligsahan sa musika, at mga programa na naglalayong ipalaganap ang kamalayan sa makulay na kasaysayan ng BARMM.

Ang Shariff Kabunsuan Festival ay hindi lamang isang selebrasyon ng kasaysayan kundi isang mahalagang paalala ng pagkakakilanlan at pagkakaisa ng mga mamamayan sa rehiyon.

Photo credit to Bangsamoro Government

By Shaider

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *