Davao City- Naitala ang media harassment sa mga mamamahayag ng Davao City mula sa mga kamay ng mga tagasuporta ni Pastor Apollo Quiboloy na nag co-cover sa mga police operations malapit sa gate ng Kingdom of Jesus Christ (KJC) Compound, Davao City bandang 9:20 ng gabi nito lamang Lunes, Agosto 26, 2024.
Nagsimula ang tensyon noong naki-usap si Newsline publisher Edith Caduaya na payagan ang reporter mula sa TV5, UNTV, at isang cameraman na dumaan sa may nakalagay na police line sa kadahilanang uuwi na ang grupo at naka park ang kanilang sasakyan sa likod na parte ng may police line.
Nang nakita ng mga nagpoprotesta na pinayagan ng mga pulis ang tatlong mamamahayag na makadaan ay agad nagkaroon ng komosyon at pagsigaw ng mga ito ng “bayaran na! “biased media, bayaran!”
Hindi pa rin nagpatinag ang mga tagasuporta ng KOJC at patuloy sa pagiging mas agresibo nang makita na dalawang sasakyan ang magkasunod na sumubok na dumaan sa police line at mas lalong lumakas ang sigaw ng mga tagasuporta na “atras, atras!” “biased media”.
Nakuhanan din sa video ang isang lalaking nakaitim na naghahagis ng bottled water sa mga umaatras na sasakyan.
Pinagtabuyan naman ang natitirang mga mamamahayag mula sa PTV4, MindaNews, at Philippine Daily Inquirer at patuloy na sumisigaw ang mga nagpoprotesta ng “mga bayaran” at “biased media”.
Nagkaroon din ng paghawak ng press card ng Newsline cameraman na si Eugene Dango at paninigaw ng “biased media!”.
Nabatid rin na nakaranas ng kaparehong panghaharas mula sa mga mas agresibong tagasuporta si Brylle Montalvo, isang reporter ng TV5 noong Linggo, Agosto 25, 2024.
Malinaw na panghaharas na ang ginagawa ng iba sa mga tagasuporta ni Pastor Quiboloy sa ating mga mamamahayag na ginawa lamang ang kanilang tungkulin na ihatid ang mga pinaka-latest na pangyayari hinggil sa paghahain ng warrant of arrest ng PNP.