Umabot sa 368 na mga miyembro ng isang agro-fishery livelihood association sa bayan ng Mabuhay sa lalawigan ng Zamboanga Sibugay ang naging benepisyaryo ng Enterprise Development Subproject ng Philippine Rural Development Project (PRDP), sa ilalim ng Department of Agriculture Region-9 noong Oktubre 14, 2024.
Ang benepisyaryo ng proyekto ay ang Malinao Bayanihan Agro-Fishery Livelihood Association (MBALA), na binubuo ng walong cluster member associations mula sa anim na mga coastal barangay ng Mabuhay sa Zamboanga Sibugay.
Ang proyekto ay ang Consolidation and Trading of Raw Dried Seaweeds (RDS) na may kaakibat na drying support services.
Ito’y may pondong ₱14.7-million na bahagi ng Second Additional Financing ng World Bank, at funding support mula sa European Union (EU).
Bukod sa raw dried seaweeds consolidation facility, ang asosasyon ay binigyan din ng isang delivery truck, walong motorized pump boat, at working capital na nagkakahalaga ng ₱400,000.00.
Layon ng proyekto na mapaangat ang socio-economic conditions ng mga mangingisda sa bayan ng Mabuhay, lalo na ang mga kasapi ng MBALA.