Mahigit 60 kabataang atleta mula sa lungsod ng Cagayan de Oro ang lumahok sa send-off ceremony na ginanap sa City Hall Grounds nito lammang Lunes, Nobyembre 18, 2024.
Ipriprisenta ng mga atleta ang lungsod sa Batang Pinoy National Championship na gaganapin sa Puerto Princesa, Palawan, mula Nobyembre 23 hanggang 28, 2024.
Ang nasabing event ay dinaluhan ng mga opisyal ng lungsod, na nagpakita ng matinding suporta ng lokal na pamahalaan para sa mga atleta na lalahok sa iba’t ibang larangan ng palakasan.
Nakatanggap ang mga atleta ng kumpletong kagamitan tulad ng jacket, jersey, jogging pants, at allowance, kasama na ang lahat ng travel expenses na pinundohan ng lokal na pamahalaan ng lungsod. Ayon kay Atty. Roy Hilario Raagas, City Administrator, pangako sa mga atleta ang suporta ng lokal na pamahalaan sa pamumuno ni Mayor Rolando “Klarex” Uy. Dagdag pa niya, kabilang sa RISE Agenda ni Mayor Klarex ay ang pagbuo ng mga kabataang may talento sa athletics, kaya ginawa ang sports program para samahan at suportahan ang mga ito.
Layon ng programa na matulungan ang kabataan na mahubog ang kanilang kakayahan sa pag-abot ng kanilang mga pangarap, hindi lamang sa larangan ng sports kundi pati na rin sa iba pang aspeto ng kanilang buhay.