Matagumpay na isinagawa ang contract signing para sa pitong infrastructure projects ng BARMM-Marawi Rehabilitation Program (BARMM-MRP) sa Santorini Hotel, Garden Café at Events Place Heaven Road, Marawi City noong ika-4 ng Disyembre 2024.
Ito ay sa pangunguna ni BARMM Chief Minister Ahod B. Ebrahim, kasama si Program Manager MP Said M. Shiek, katuwang ang Ministry of Human Settlements and Development (MHSD) at ang mga kinatawan ng mga nanalong bidder.
Kabilang sa mga programa na ipapatupad ng BARMM-MRP, ay ang pagtatayo ng anim na wash station sa MAA at mga komunidad ng mga IDP (Internally Displaced Persons); pagtatayo ng Health Care Unit Docking Station Marawi Lakeshore; pagtatayo ng isang palapag na multi-purpose hall; pagtatayo ng mga covered court; pagtatayo ng mga karagdagang water system; pag-install ng solar street lights; at pag-supply at pag-install ng 300 unit ng 2kW solar hybrid energy rooftop systems.
Ang BARMM-MRP ay isa sa mga special programs ni BARMM Chief Minister Ahod B. Ebrahim, bilang bahagi ng 12-Point Priority Agenda ng regional government na naglalayong suportahan ang rehabilitasyon ng Marawi.
Ang mga proyektong ito ay layuning mapabuti ang buhay ng mga internally displaced persons (IDPs) at tulungan ang muling pagbangon ng Most Affected Areas (MAA) ng Marawi City.