Patay ang isang lalaki matapos bumangga ang minamaneho nitong motorsiklo sa isang dump truck sa National Highway ng Barangay Digal, Buluan, Maguindanao del Sur nito lamang Abril 1, 2025.
Kinilala ng mga awtoridad ang biktima na si alyas “Boy,” residente ng Barangay Datang, Datu Paglas, Maguindanao del Sur.
Batay sa paunang imbestigasyon, pauwi ang biktima matapos manggaling sa isang resort sa M’lang, North Cotabato nang mawalan ito ng kontrol sa kanyang motorsiklo at sumalpok sa isang nakaparadang dump truck na may kargang palm oil.
Sa lakas ng impact, nagtamo ng matinding pinsala sa ulo, katawan, at mga paa ang biktima, na naging sanhi ng kanyang agarang pagkamatay.
Samantala, muling nanawagan ang PNP sa mga motorista na mag-ingat sa kalsada at sundin ang batas-trapiko upang maiwasan ang ganitong uri ng trahedya.