Sa layuning makapagbigay ng oportunidad sa mga naghahanap ng trabaho at suportahan ang lokal na ekonomiya, matagumpay na isinagawa ng Pamahalaang Lungsod ng Digos ang isang araw na job fair bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-123 Labor Day nito lamang Abril 30, 2025.
Ang nasabing job fair ay pinangunahan ng Public Employment Services Office (PESO) Digos, sa pakikipagtulungan ng Department of Labor and Employment (DOLE) Davao del Sur Field Office.
Ginanap ito sa Gaisano Grand Mall Activity Center sa Digos City, kung saan mahigit 800 lokal na bakanteng trabaho ang inialok sa mga aplikante.
Kabilang sa mga trabahong inialok ay mula sa sektor ng pagmamanupaktura, retail, business process outsourcing (BPO), at manpower services.
Dumagsa ang mga job seekers mula sa iba’t ibang bahagi ng lungsod at karatig-lugar upang subukan ang kanilang kapalaran at makahanap ng angkop na trabaho.
Ang ganitong inisyatibo ay bahagi ng patuloy na programa ng pamahalaan para sa pagpapabuti ng employment services at pagbibigay ng suporta sa mga manggagawa, lalong-lalo na sa mga kabataan at first-time job seekers.
