Arestado ang pitong miyembro ng armadong grupo na sangkot sa engkwentro habang dalawa ang kumpirmadong patay at isa ang sugatan sa Barangay Kabuling, Pandag, Maguindanao del Sur nito lamang Sabado ng hapon, Mayo 10, 2025.

Kinilala ang isa sa mga nasawi na si Emran Tumbah Mamalinta, isang kandidato sa pagka-konsehal, at si Alkama Kilam Maslama, isang estudyante na nadamay sa nangyaring putukan.

Ayon sa ulat ng pulisya, parehong nasawi ang dalawa matapos tamaan ng bala sa gitna ng sagupaan ng mga grupong may kaugnayan sa magkalabang lokal na politiko.

Nadamay rin sa insidente ang isang matandang Moro na tinamaan ng ligaw na bala at agad na isinugod sa pagamutan para sa medikal na atensyon.

Samantala, naaresto ang pitong miyembro ng armadong grupo at nasamsam ang matataas na uri ng armas kabilang ang tatlong M16 rifles, dalawang .30 caliber M1 Garand rifles, isang M653 rifle, at isang M203 rifle na may kasamang 40mm grenade launcher.

Patuloy ang masusing imbestigasyon ng PNP upang mahuli at managot sa batas ang mga taong may sala na dahilan ng pagkamatay ng dalawang indibidwal at mapanatili ang kaayusan at katahimikan sa pamayanan.

By Shaider

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *