Ipinagdiwang ang Santa Cruzan 2025 sa lungsod ng Panabo City, Davao del Norte nito lamang Mayo 31, 2025.
Ito ay dinaluhan ng libu-libong deboto, residente, at mga bisita mula sa iba’t ibang panig ng rehiyon.
Ang prosisyon ay naging tampok ng taunang Flores de Mayo, isang tradisyon ng Simbahang Katolika na nagbibigay-pugay sa paghahanap ng Krus ni Santa Elena.
Iba’t ibang “reyna” ang lumahok, suot ang kanilang mga eleganteng kasuotan, na sinamahan ng mga banda, sagala, at mga dekorasyon ng bulaklak.
Nagpakita naman ng buong suporta ang mga uniformed personnel mula sa Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine Army, at Philippine Coast Guard (PCG), na nakisabay sa parada at tumulong sa pagtiyak ng kaayusan at kaligtasan ng lahat ng dumalo.
Ang kanilang pakikiisa ay hindi lamang para sa seguridad ng prosisyon kundi para rin ipakita ang kanilang suporta sa kultura at pananampalataya ng sambayanan.


