Pormal nang nanumpa sa kani-kanilang mga tungkulin ang mga bagong halal at muling nahalal na mga opisyal ng bayan ng Bansalan, Davao del Sur sa isang makabuluhang seremonya na ginanap nito lamang Biyernes, Hunyo 27, 2025.
Pinangunahan ni Governor Yvonne Roña Cagas, ang aktibidad at personal na bumati sa mga opisyal sa kanilang pagkapanalo at bagong mandato mula sa taumbayan.
Sa kanyang maikling talumpati, pinuri ng gobernador ang katatagan ng demokrasya sa bayan at hinikayat ang mga lider ng lokal na pamahalaan na magsilbi nang tapat, may malasakit, at may pagkakaisa para sa patuloy na pag-unlad ng Bansalan.
Kabilang sa mga nanumpa ay ang bagong alkalde, bise alkalde, at mga miyembro ng Sangguniang Bayan.
Ang panunumpa ay isinagawa sa harap ng mga opisyal, empleyado ng pamahalaan, mga kaanak, at ilang piling bisita na nagtipon upang makiisa sa makasaysayang okasyong ito.
Ang seremonya ay sumasalamin sa pagsisimula ng bagong yugto sa pamumuno ng bayan kung saan muling pinagtibay ang paninindigan ng mga opisyal na tuparin ang kanilang mga tungkulin para sa ikabubuti ng mga mamamayan ng Bansalan.

