Bilang bahagi ng patuloy na kampanya ng pamahalaang lungsod para sa mas accessible na serbisyong pangkalusugan, matagumpay na isinagawa ang Medical Mission para sa mga kapatid na Lumad sa Barangay Bayanga, Cagayan de Oro City noong Hulyo 1, 2025.
Nakapagtala ng mahigit 610 benepisyaryo mula sa katutubong pamayanan na aktibong lumahok sa nasabing aktibidad.
Pinangunahan ng City Health Insurance Office, katuwang ang PhilHealth Region 10, City Health Office, JR Borja General Hospital, City Disaster Risk Reduction and Management Department, City Social Welfare and Development Department, at City Public Services Office, ang medical mission ay naisakatuparan sa tulong at panukala ng Indigenous People’s Mandatory Representative (IPMR) ng Bayanga.
Kabilang sa mga serbisyong naibigay ay ang: On-site PhilHealth registration at updating; KonSulTa program enrollment; first patient encounter at profiling; medical, dental, at eye-care consultations at pamamahagi ng libreng gamot.
Ang ganitong inisyatibo ay bahagi ng pangako ng lokal na pamahalaan sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Rolando “Klarex” Uy, na maihatid ang batayang serbisyo sa lahat, lalo na sa mga komunidad ng mga katutubo.


