Inilunsad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office Caraga sa pamamagitan ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ang “e‑PANALO Ang Kinabukasan” Technical Rollout sa Datu Lipus Macapandong Cultural Center sa Patin‑ay, Prosperidad, Agusan del Sur nito lamang ika-28 ng Hulyo 2025.
Kabuuang 86 na benepisyaryo ng 4Ps na kinilalang kabilang sa Level 1 o “Survival” level, at mga naninirahan sa Geographically Isolated and Disadvantaged Areas (GIDA) ang tumanggap ng libreng cellphone at SIM card mula sa Globe Telecom.
Dumalo sa paglulunsad sina 4Ps Assistant Secretary Marites Maristela, Assistant Secretary Elaine Fallarcuna, DSWD Caraga Regional Director Mari-Flor Dollaga at Provincial Vice Governor Hon. Patricia Anne Plaza katuwang ang mga pribadong sektor gaya ng Globe Telecom, GCash, Ayala Foundation, at BPI Foundation.
Layunin ng e‑Panalo Technical Rollout na magbigay ng teknikal na tulong sa pamamagitan ng cellphone at digital literacy lectures sa 32,684 na 4Ps households sa buong bansa, na prayoridad ang mga nasa Level 1 o Survival Level at mga nasa GIDA areas. Ang distribusyon ay isinasagawa na nakabasi sa pahintulot ng mga benepisyaryo na handang lumipat sa digital payout system.

Ang E-PANALO initiative ay isang makabagong hakbang para sa ating mga benepisyaryo mula sa tradisyunal na pagtanggap ng ayuda na ngayon ay makakaranas na ng mas ligtas, maginhawa, at makapangyarihang paraan sa pagtanggap ng pinansyal na serbisyo.
