Inilunsad ng Lokal na Pamahalaan ng Tagum ang Seagrass and Coral Mapping Project noong Hulyo 27, 2025 sa baybayin ng lungsod upang matukoy ang kalagayan at populasyon ng mga seagrass at coral reefs—mga mahalagang tirahan ng yamang-dagat.
Ginanap ang kick-off activity sa Banana Beach Resort sa Madaum na dinaluhan ng mga opisyal ng lungsod, kinatawan mula sa Hijo Resources Corporation – Trinity Project, Philippine Coast Guard, DENR, PhilSA, at iba’t ibang sektor ng komunidad.
Ayon kay Joselito Chavez Jr., Forest Protection Supervisor ng Hijo, mahalaga ang seagrass sa pagpapatatag ng marine ecosystem. Gamit ang Open Data Kit (ODK) app, sinuyod ng mga environmental scientist ang 12.5 km baybayin upang mangalap ng geotagged data gamit ang satellite imagery at remote sensing.


Layunin ng proyekto ang makabuo ng baseline data para sa mas epektibong monitoring, research, at paggawa ng polisiya, lalo na sa usaping climate change at banta ng pagguho ng baybayin.
Sa pamamagitan ng Seagrass and Coral Mapping Project, pinapakita ng Tagum City ang kanilang seryosong pangako sa pangangalaga ng kalikasan at pagpapalakas ng resiliency ng komunidad laban sa mga hamon ng pagbabago ng klima.
Ang pagtutulungan ng pamahalaan, pribadong sektor, at mga mamamayan ay susi upang mapanatili ang ganda at yaman ng ating mga baybayin para sa susunod pang mga henerasyon.

