Patay ang isang lalaki habang pito naman ang sugatan matapos pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang salarin ang mga biktima na lulan ng isang commuter van sa bahagi ng Barangay Bagan, Guindulungan, Maguindanao del Sur bandang 7:30 ng gabi nito lamang Agosto 25, 2025.

Batay sa inisyal na ulat ng pulisya, sakay ng isang Toyota Commuter Van ang mga biktima at patungo sana sa Datu Saudi Ampatuan nang pagbuntunan ng putok ng baril ng mga suspek pagdating sa nasabing lugar.

Nagawa pang magmaneho ng driver ng van hanggang sa Datu Saudi Ampatuan MPS upang humingi ng saklolo.

Agad namang dinala ang pitong sugatan sa IPHO Maguindanao para sa agarang lunas.

Samantala, mabilis namang tumakas ang mga suspek sakay ng isang kulay itim na minivan na walang plaka patungong direksyon ng South Cotabato.

Patuloy na nagsagawa ng masusing imbestigasyon ang Guindulungan PNP upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin at ang motibo sa likod ng naturang pamamaril.

By Shaider

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *