Naging makulay at nagningning ang mga kalsada ng General Santos City sa opisyal na pagbubukas ng 2025 Tuna Festival na may temang “Tuna Saya, Tuna Sarap” nito lamang Agosto 30,2025.
Ang taunang pagdiriwang na ito ay hindi lamang nagpapakita ng kasaganaan ng dagat ng GenSan kundi nagbibigay-diin din sa tibay, lakas, at talento ng mga mamamayan nito.
Dumagsa ang mga lokal at turista para sa makulay na grand opening parade.



Tampok dito ang mga makukulay na float at mga street dancer na nakasuot ng kasuotang may disenyo ng tuna.
Sa kumpetisyon ng float parade, itinanghal na kampeon ang Greenleaf Hotel at nagwagi ng premyong nagkakahalaga ng Php 300,000.


Pinangunahan ni City Mayor Lorelie Geronimo-Pacquiao, ang pagbubukas ng festival sa pamamagitan ng seremonya ng pagputol sa higanteng simbolikong tuna.
Sa kaniyang mensahe, binigyang-diin ng alkalde ang kahalagahan ng pamumuhay nang may dignidad bilang isang General at ang pagbibigay-pugay sa pagsisikap ng mga mangingisda.
Magpapatuloy ang Tuna Festival hanggang Setyembre 5, na may mahigpit na pagpapatupad ng mga panuntunan sa kaligtasan at pangangalaga sa kapaligiran.
Layon nito na masiguro ang isang ligtas at makakalikasan na selebrasyon para sa lahat ng kalahok at manonood.
Sa kabuuan, ang 2025 Tuna Festival ay puno ng aktibidad at paligsahan na nakasentro sa pagdiriwang at promosyon ng industriya ng tuna. Isa itong patunay ng pagkakaisa at kasipagan ng mga taga-GenSan upang maipakita sa buong bansa at sa mundo ang yaman at kagandahan ng kanilang lungsod.