Naging matagumpay ang pagtatapos ng ika-25 National Tuna Congress sa pamamagitan ng Trade Exhibit na may temang “The National Tuna Congress @25: Renewing Commitments and Intensifying Strategic Partnerships” na ginanap sa SM, General Santos City nito lamang Setyembre 2-4, 2025.

Ang pagtitipon ay inorganisa ng SOCCSKSARGEN Federation of Fishing and Allied Industries, Inc. (SFFAII) na pinamumunuan ng kanilang Pangulo at 25th NTC Chairperson, G. Kenrick Teng at pinangunahan ni General Santos City Mayor Lorelie G. Pacquiao ang aktibidad.

Dumalo sa opening program ang mga panauhing galing sa pampubliko at pribadong sektor.

Kabilang dito sina Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Assistant Director for Technical Services Ginoo Isidro Velayo, Jr., at BFAR Region XII Regional Director Usop D. Pendaliday, Jr.

Nagbigay naman ng keynote address si Gng. Bianca Pearl R. Sykimte, Director ng Export Marketing Bureau ng Department of Trade and Industry (DTI).

Mahigit 1,000 kalahok ang nagtipon ngayong taon, kabilang ang mga producer, exporter, negosyante, service provider, innovator, at mga manggagawa sa industriya. Itinampok din ang maliliit at katamtamang negosyo (SMEs) na ginamit ang okasyon bilang plataporma upang ipakilala ang kanilang produkto at makabuo ng bagong ugnayang pangnegosyo.

Tampok sa trade exhibit ang malawak na hanay ng mga produkto at serbisyo mula sa iba’t ibang kumpanya at organisasyong konektado sa industriya ng tuna.

Kabilang sa mga ipinakita ang tuna products, makabagong kagamitan sa pagproseso, teknolohiya sa pangingisda, materyales para sa packaging, at iba pang serbisyong sumusuporta sa pagpapatatag ng sektor.

Matagumpay na nagtapos ang 25th National Tuna Congress (NTC) na nagbigay-diin sa isang mahalagang tagumpay sa pamamahala ng pangisdaan sa lokal na antas sa pamamagitan ng pagpapatibay ng Ordinance No. 36, Series of 2024 o mas kilala bilang “Revised Fisheries Code of the City of General Santos of 2024.”

Layunin ng National Tuna Congress na itaguyod ang napapanatiling pangisdaan, palakasin ang ugnayan ng pampubliko at pribadong sektor, at isulong ang makabagong teknolohiya at solusyon para sa industriya ng tuna.

Nagsisilbi rin itong plataporma upang talakayin ang mga hamon at oportunidad, magbigay ng pagkakataon para sa networking at negosyo, at patatagin ang papel ng tuna sa ekonomiya ng bansa.

By Shaider

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *