Dalawang pulis ang patay at apat pa ang sugatan sa naganap na pag-ambush ng mga hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Camp Datu Akilan, Shariff Aguak Maguindanao del Sur noong Miyerkules, Hunyo 14, 2023.

Ang mga naturang pulis ay miyembro ng Maguindanao Del Sur Provincial Mobile Force Company na sakay ng PNP marked vehicle na katatapos lamang sa kanilang isinagawang mobile patrolling at pabalik na sana sa Maguindanao PPO Headquarters.

Base sa ulat ng awtoridad, bandang 8:30 ng gabi naganap ang engkuwentro nang paulanan ng bala ng baril ang mga pulis na sakay ng PNP open vehicle.

Kinilala ang mga nasawing pulis na sina Patrolman Saipoden Shiek Macacuna at Patrolman Bryan D Polayagan habang sugatan naman sina Police Chief Master Sergeant Rey Vincent B Gertos, Police Staff Sergeant Benjie R Delos Reyes, Patrolman Abdulgafor Alib at Patrolman Rj Val Loie C Pabinguit.

Samantala, nagsasagawa na ng operasyon ang mga awtoridad upang matugis ang mga salarin sa insidente at nananawagan ng kooperasyon sa komunidad upang mahinto ang patayan at makamit ang katahimikan, kaayusan at kaunlaran sa kanilang pamayanan.

By Shaider

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *