Nanatiling kalmado sa kabila ng magkasunod na malakas na lindol na yumanig sa Davao Region ito ang ulat ng City Disaster Risk Reduction and Management Office – Operations Center (CDRRMO-OPCEN) ngayong umaga ng Linggo, Oktubre 12, 2025.
Tuloy-tuloy ang isinagawang coastal monitoring sa mga lugar ng Bunawan, Agdao, Bucana, Matina Aplaya, Bago Aplaya, at Binugao.
Sa kasalukuyan, walang naitalang kakaibang galaw ng tubig-dagat o senyales ng panganib gaya ng tsunami, kahit pa naganap ang isang napakalakas na lindol noong umaga ng Oktubre 10, na sinundan ng isa pang magnitude 6.9 na lindol bandang 10:10 ng gabi, mas mahina kumpara sa nauna.
Pinaalalahanan din ng Davao CDRRMO ang publiko na manatiling kalmado ngunit mapagmatyag.
Inaasahan ang posibilidad ng aftershocks, kaya’t hinihikayat ang lahat na makinig lamang sa mga opisyal na anunsyo mula sa CDRRMO, PHIVOLCS, at iba pang lehitimong sanggunian upang makaiwas sa maling impormasyon.
Sa gitna ng mga kaganapan, nananatiling pangunahing layunin ng pamahalaang lungsod ang kaligtasan at kapakanan ng mga mamamayan ng Davao City.