Tinanghal na kampeon si Bruce Bryan Rubio mula sa Lantapan, Bukidnon sa katatapos lang na 2025 Philippine Coffee Roasting Competition na ginanap noong Oktubre 5–9, 2025 sa Sultan Kudarat Convention Center, Tacurong City.
Kinatawan ng Coffee Wagon Café and Roastery, tinalo ni Rubio ang 14 na mahuhusay na coffee roasters mula sa iba’t ibang panig ng bansa, sa isang kompetisyong nagpapakita ng galing, dedikasyon, at sining sa pagro-roast ng kape.
Ang taunang patimpalak ay inorganisa ng Filipino Coffee Institute (FCI), at kasabay na ginanap ang Southeast Asian Green Coffee Competition at Philippine Coffee Innovation Summit, na nilahukan ng mga delegado mula sa iba’t ibang bansa sa Asya tulad ng Indonesia, Thailand, Taiwan, South Korea, Singapore, Vietnam, China, Laos, at Myanmar.
Ayon kay Rubio, ang tagumpay ay hindi lamang para sa kanya, kundi para sa buong komunidad ng kape.
“Ito ay bunga ng araw-araw na pagsasanay, pagsubok, at pag-aaral sa aming roasting process,” aniya.

Sinimulan nito ang paghahanda agad matapos ang nakaraang kompetisyon at ginamit ang mga nakaraang pagkakamali bilang inspirasyon.
Nakatakda ring lumahok si Rubio sa isang international roasting competition sa Taiwan ngayong Nobyembre.
Kabilang sa mga pumangalawa sa kanya ay sina Rosario Jeric Gumpic Jr. mula Baguio City (1st runner-up), Arnel Banuag mula Cagayan de Oro City (2nd runner-up), Kelvin Lim ng Panabo City (3rd runner-up), at Joey Maravillas ng Sultan Kudarat (4th place).
Ang kompetisyon ay naisakatuparan sa tulong ng FCI katuwang ang Provincial Government ng Sultan Kudarat, Specialty Coffee Depot, Sultan Kudarat State University, Department of Agriculture Region 12, at Department of Trade and Industry Region 12.