Patay ang isang pulis at dalawang noturyos na kriminal matapos manlaban sa mga awtoridad na nagsilbi ng Warrant of Arrest habang sugatan naman ang isa pang pulis sa sitio Talatak, Brgy. Bato-Bato, Indanan, Sulu bandang 3:40 kanina ng madaling araw nito lamang Oktubre 30, 2025.

Kinilala ang dalawang nasawi na sina alyas “Al” at alyas “Jan”.

Samantala, arestado naman ang dalawang indibidwal na sina alyas “Jul” at alyas “Padz”, at patuloy na pinaghahanap si alyas “Alim” na nakatakas, pawang nahaharap sa kasong paglabag sa R.A. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ng 2013.

Samantala, nagluluksa ang buong hanay ng PNP sa pagkamatay ni Police Corporal Albashir L Lumalag ng PNP Special Action Force (SAF), habang ginagampanan ang sinumpaang tungkulin upang mapanatili ang kaayusan at katahimikan sa ating bayan.

Nabatid naman na nasa maayos na kalagayan si Patrolman Felix L Ruado, matapos tamaan ng bala at nagpapagaling sa Sulu Provincial Hospital.

Napag-alaman na nanlaban ang mga suspek matapos matunugan ang presensya ng mga otoridad kaya napilitan na gumanti ng putok ang mga ito.

Narekober sa naturang operasyon ang dalawang piraso ng 22 pinaputok na cartridge cases ng 5.56mm, isang pinaputok na cartridge ng 9mm, isang cartridge ng 5.56mm, isang rifle butt ng 5.56mm rifle.

Patuloy ang PNP sa pagsiguro ng kaligtasan ng bawat mamamayan, kaayusan at katahimikan sa pamayanan tungo sa pagkamit ng kaunlaran.

By Shaider

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *