Pinangunahan ng 2nd Mechanized Infantry (MAKASAG) Battalion ng Philippine Army ang pakikibahagi sa “Turn-Over of Loose Firearms” ceremony na isinagawa sa Municipal Hall ng Lambayong, Sultan Kudarat nitong Mayo 20, 2026.
Ang aktibidad ay inisyatiba ng Local Government Unit ng Lambayong katuwang ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at security sector bilang bahagi ng patuloy na kampanya kontra sa ilegal at loose firearms, at para sa pagpapatibay ng kapayapaan at kaayusan sa komunidad.
Dumalo sa nasabing seremonya sina BGEN Omar V. Orozco, Commander ng 1st Mechanized (MAAASAHAN) Brigade; LTC Raul P. Escat, Commanding Officer ng 2nd Mechanized Infantry (MAKASAG) Battalion; at PCOL Bernard L. Lao, Provincial Director ng Sultan Kudarat Police Provincial Office.
Pinangunahan naman ng lokal na pamahalaan ang aktibidad sa ilalim ng pamumuno nina Mayor Francis Eric Recinto ng Lambayong, Vice Mayor Norhato Sanday, at mga punong barangay na sina Hon. Mastura G. Baumul ng Pimbalayan at Hon. Sedik G. Baumul ng Baumul, kasama ang iba pang lokal na opisyal, religious leaders, at community stakeholders.
Sa kanilang mga mensahe, binigyang-diin ng mga lider ang kahalagahan ng pagkakaisa at pagtutulungan ng pamahalaan, security forces, at komunidad upang mapanatili ang kapayapaan at maiwasan ang karahasan at krimen. Hinikayat din nila ang patuloy na suporta ng publiko sa mga programang naglalayong bawasan ang presensya ng loose firearms.
Sa naturang turnover, pormal na isinuko ang iba’t ibang high-powered firearms at ammunition, kabilang ang M1 Garand rifles, M14 at M16A1 rifles, Ultimax 100 light machine gun, fabricated RPG launcher na may projectile, at isang fabricated .50 caliber Barrett rifle.
Ayon sa mga opisyal, ang matagumpay na turnover ay patunay ng lumalalim na tiwala at kooperasyon ng komunidad sa pamahalaan at security sector, na mahalaga sa pagpigil ng karahasan at kriminalidad sa lalawigan.
Binigyang-diin din ni Lt. Col. Escat na ang naturang aktibidad ay naging posible dahil sa matibay na ugnayan at pagtutulungan ng militar, pulisya, lokal na pamahalaan, at mamamayan.
Patuloy namang nananatili ang Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police, at LGU sa pagtutulungan para sa pangmatagalang kapayapaan at seguridad sa Sultan Kudarat.
Source: StarFM Cotabato