Sarangani – Para maging protekado ang lahat ng mag-aaral sa sakit na dengue tinatayang Php11.6 milyong halaga ng Insecticide Treated Screen (ITS) at iba pang dengue control commodities ang inilaan ng Department of Health-Center for Health Development (DOH-CHD) SOCCSKSARGEN na gagamitin sa lahat ng paaralan sa Sarangani Province.

Ayon kay Provincial Dengue Coordinator Federico Yadao, sa mahigit na 300 na paaralan sa probinsiya ng Sarangani, tinatayang 743 na ITS ang ipapamahagi sa kanila kung saan mahigit 20,000 na mag-aaral ang makikinabang rito.

“Ito po ay ang suporta ng rehiyon sa Dengue-Safe School program o initiative ng province, na layunin ay protektahan ang ating mga bata sa paaralan mula sa mga infected na kagat ng lamok,” pahayag ni Yadao.

Sa unang round ng pamamahagi, may kabuuang 80 na rolyo ng ITS na ang nailagay sa 37 na silid-aralan mula sa 11 paaralan sa bayan ng Alabel, Glan, Maasim at Maitum, Sarangani. Habang, 44 pang paaralan ang nakatanggap sa ikalawang round.

Samanatala, isinagawa ang unang pamamahagi ITS noong Hunyo 17, 2023 sa pangunguna ng DOH-CHD at ang Provincial Health Office sa mga nasabing paaralan alinsunod sa pagdiriwang ng ASEAN Dengue Day.

Ang ITS ay isang screen na may ligtas na antas ng insecticide na tinatawag na “permethrin” na ginagamit upang protektahan ang mga mag-aaral sa loob ng silid-aralan laban sa mga lamok na nagdadala ng sakit o dengue virus.

By Shaider

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *