Cotabato- Matagumpay na nai-turnover ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cotabato sa pangunguna ni Governor Emmylou “Lala” Taliño Mendoza ang apat na road concreting projects na pinunduhan ng Php44 milyon para sa ilang barangay sa probinsiya ng Cotabato nito lamang Martes, Hunyo 20, 2023.
Ang unang road section na iturn-over ng Pamahalaan ay ang 967 metro provincial road na may lapad na anim na metro na pinondohan ng Php13 milyon at ang naging benepisiyaryo nito ay ang Barangay San Isidro, Midsayap, Cotabato.
Sunod nito ay ang 755 metro na barangay road concreting project na may lapad na apat na metro na ginastusan ng aabot sa Php6 milyon na kumukonekta sa Barangay San Isidro hanggang Purok 5, Brgy. Patindeguen, Midsayap Cotabato.
Habang, ang may habang 1.2 kilometrong daanan mula sa Barangay Poblacion, Pikit Cotabato hanggang Brgy, Gli-gli naman ay nilaanan ng Php15 milyon.
Samantala, road concreting at asphalting project na may habang 787 metro na ginastusan ng Php100 milyon naman ang matagumpay na naiturn over sa mga residente ng Brgy. Poblacion-Ladtinga at Brgy. Ginatilan.
Lubos na pasasalamat naman ang tugon ng mga residente sa biyayang tulong na ipinagkaloob sa kanila ng pamahalaan. Dahil sa mga bagong proyekto ay makakapagbigay ng malaking kaginhawaan at kaunlaran sa kanilang komunidad.
Hiniling naman ng Gobernador sa mamamayan na aktibong makiisa sa gagawing pag monitor sa mga proyektong ipinatupad ng pamahalaan upang matiyak ang kalidad ng mga ito batay na rin sa itinakdang program of works at specification.