Sa pagsisikap na isulong ang turismo na nagsisiguro sa kaligtasan ng mga bata sa rehiyon, nagsagawa ang Department of Tourism (DOT) Caraga ng child-safe tourism discussion sa limang araw na Tourist Oriented Police for Community Order and Protection (TOPCOP) Training nitong ika-7 ng Mayo 2024 sa Police Regional Office 13 Camp Rafael Rodriguez, Butuan City.
Ang talakayan ay pinangunahan ni Roqueza S. Palmes, Supervising Tourism Operations Officer, na may malawak na pananaw hinggil sa tema na naglalayong pangalagaan ang kapakanan at seguridad ng mga bata sa loob ng sektor ng turismo.
Sa pamamagitan ng inisyatibong ito, hinahangad ng DOT Caraga na itaas ang kamalayan at paghusayin ang kapasidad ng mga stakeholders ng turismo kabilang ang mga opisyal ng pagpapatupad ng batas na protektahan ang mga bata mula sa human trafficking, pagsasamantala, at pinsala sa loob ng industriya ng turismo.