Matagumpay na nagtapos ang isinagawang SHS ILS Expo 2024 ng STILL College Tagum sa City Hall of Tagum nito lamang Mayo 21, 2024.
Ibinida sa naturang aktibidad ang mga talento ng mga estudyanteng kabataan sa pamamagitan ng sayaw at arts and crafts at syempre pa hindi din magpapahuli ang iba’t ibang produktong pang-negosyo gaya na lamang ng mga kakanin, baked goods, ecobags, fruit juice, coal ink at iba pa.
Ang tema para sa pagdiriwang na ito ay “Empowering Minds, Bridging Continents, Unleashing Knowledge, Igniting Innovation” kung kaya naman ay nagkaroon ng presentasyon alay sa iba’t ibang unibersal na kultura ang mga binuong grupo ng mga estudyante.
Dagdag pa, bilang suporta ng lungsod ng Tagum sa edukasyon at pangarap ng mga kabataan ay nagkaroon ang Department of Trade and Industry ng talakayan na binigyang-diin ang hindi maitatangging potensyal ng mga estudyante pagdating sa pagnenegosyo.