Ipinagdiwang at dinaluhan ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno ang cooking contest na isinagawa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Davao de Oro na may temang “Sama-Sama sa Nutrisyon Sapat Para sa Lahat” kaugnay sa pagdiriwang ng 50th Nutrition Month nito lamang Hulyo 8, 2024 sa Capitol Building, Cabidianan, Nabunturan.
Ang iba’t ibang ahensya ng Pamahalaang Panlalawigan ay aktibong nakilahok ay maituturing na makabuluhang pagtitipon para sa komunidad. Ito rin ay nagbigay ng pagkakataon para sa pakikipagtulungan at pagbabahagi ng kaalaman sa larangan ng nutrisyon at sining ng pagluluto.
Nakiisa rin sa kompetisyon ang Davao de Oro Police Provincial Office na siyang nagwagi sa putahi nitong Okoy and Squash Coco Gravy na maaaring gawin sa halagang Php144.00 lamang.
Pangunahing layunin ng aktibidad ay ang pagbibigay-diin sa paghahanda ng malusog na pagkain na nakatuon sa iba’t ibang menu na gumagamit ng katutubo o lokal na mga mapagkukunan.
Sa pagpapakita ng kakayahan sa pagluluto ng mga kalahok at pagbibigay-diin sa paggamit ng masustansyang mga sangkap, layon nito na mapalawak ang kaalaman sa kahalagahan ng balance diet.