Muling napuno ang downtown area ng mga lokal na residente at turista sa ipinagdiwang na Pamulak sa Dalan at Indak Indak sa Kadayawan 2024 nito lamang Agosto 18, 2024.
Ang Pamulak sa Dalan ay isang pagdiriwang ng masaganang ani, pagkakaisa sa kabila ng pagkakaiba-iba ng mga tribo, at walang katapusang kagandahan ng mga tao ng lungsod.
Ang Indak-Indak sa Kadayawan naman ay isang makulay na kaganapan ng sayaw sa kalsada na nagpapakita ng iba’t ibang katutubong kultura sa Mindanao na mas pinasaya sa pamamagitan ng isang kompetisyon.
Mayroon itong Open category para sa mga grupong mula sa labas ng Davao City kabilang na rito ang mga paaralan sa probinsya, mga LGU-based o community-based, mga corporate-sponsored na grupo, mga organisasyon, at iba pa.
Inanunsyo naman noong nakaraang Hulyo ng Pamahalaang Lungsod ng Davao sa pamamagitan ng opisyal na Facebook Page na “Kadayawan Festival” na ngayong taon ay aabot sa Php 5,000,000 ang papremyo.