Personal na iniabot ng Mati City Mayor na si Michelle Nakpil Rabat ang cash assistance na nagkakahalaga ng Php1 milyon sa Davao Oriental State University (DOrSU), na kinatawanan ng University President na si Dr. Roy G. Ponce nito lamang Hulyo 13, 2023.
Ang nasabing Php1 milyong halaga ay gagamitin sa pagbabayad ng tuition at iba pang bayarin sa paaralan ng 200 estudyante ng DOrSU na hindi sakop ng Free Higher Education Program.
Ang cash assistance na ito ay kasama sa Php3.5 milyong halaga na inilaan ng Pamahalaang Lungsod ng Mati para sa mga aktibidad ng nasabing unibersidad katulad ng sports at para narin sa medisina ng mga estudyante.
Nagsagawa rin ang Pamahalaan ng Lungsod ng Mati ng inisyatiba na makipagtulungan sa iba pang mga organisasyon upang makapagbigay pa ng tulong sa karagdagang 400 pang mga mag-aaral.
Ang patuloy na pagsisikap na ito ay naglalayong magbigay sa mga karapat-dapat na mag-aaral ng mga oportunidad at pagkakataon upang ituloy ang kanilang mga ninanais sa pag-aaral.