Naglabas ng deklarasyon sa Official Facebook Page ng City Government ng Davao nito lamang Nobyembre 4, 2024 ang planong pagtatag ng Public Internet Center sa People’s Park.
Ayon kay Councilor Bonz Andre Militar, Chair ng SP ICT Committee, inihayag noong nakaraang Martes na naaprubahan na ni Davao City Mayor Sebastian Z. Duterte, ang naturang proyekto.
Dagdag pa rito, ang plano ay kasalukuyan nang nasa proseso ng Sangguniang Panlungsod’s Committee on Information Technology at nasa committee hearing level na.
Ang inisyatibong ito ay isang mahalagang hakbang upang matugunan ang pangangailangan ng maraming tao na nangangailangan ng access sa mga computer at internet ngunit hindi kayang magbayad para dito.
Sa panahon ngayon, ang pagkakaroon ng internet access ay hindi na lamang luho kundi isang pangunahing pangangailangan, lalo na para sa mga mag-aaral na kailangang magsaliksik, makipag-ugnayan sa kanilang mga guro, at sa online classes.