Nakiisa ang Department of Tourism (DOT) Region IX sa munisipalidad ng Sindangan sa pagdiriwang ng International Indigenous Peoples (IP) Month sa probinsya ng Zamboanga del Norte nito lamang ika-16 ng Nobyembre 2024.
Naging highlight sa nasabing selebrasyon ang “Buklog Samaya”, na isang ritwal ng pasasalamat na bahagi ng tradisyon ng tribung Subanen.
Ayon kay DOT IX Regional Director Dara May Cataluña, sinusuportahan ng kanilang tanggapan ang pangangalaga sa mga nakagawiang tradisyon ng mga IPs.
Binigyang diin nito ang kahalagahan ng turismo bilang daan upang isulong ang pagpapahalaga sa mga lokal na kultura at paghulma ng pagkakakilanlan ng isang rehiyon.
Kabilang sa mga nakilahok sa nasabing pagdiriwang ang mga kawani ng pamahalaan, IP leaders, at mga residente ng naturang lugar upang magbigay galang at itaguyod ang kulturang Subanen.