Ang Mabua Pebble Beach ay isa sa mga pinakatatanging destinasyon sa Pilipinas na matatagpuan sa Surigao City, dahil imbes na buhangin ang makikita sa dalampasigan na karaniwang nakikita sa ibang mga beach ay makikinis at bilugang bato o pebble ang taglay nito.
Ang mga bato rito ay may iba’t ibang laki at kulay, na nagdaragdag ng kakaibang kagandahan sa kabuuang tanawin ng lugar.
Ang bawat pebble ay tila baga nililok ng kalikasan sa loob ng napakahabang panahon, na nagiging dahilan kung bakit ang Mabua ay naiiba at kahanga-hanga.
Ang dagat sa Mabua ay perpekto para sa paglangoy at snorkeling. Napapaligiran ito ng mga burol at punong niyog, kaya’t mainam para sa mga nais magkuha ng magagandang larawan.
Bukod sa natatanging anyo nito, nagbibigay din ang Mabua Pebble Beach ng tahimik at payapang kapaligiran na perpekto para sa mga gustong magpahinga mula sa abala ng lungsod.
Bagamat hindi hinihikayat ang pagkuha ng mga bato upang mapanatili ang natural na ganda ng lugar, marami ang nag-eenjoy sa pagtingin at paghanga sa kakaibang hugis at kulay ng mga ito.