Sugatan ang isang babaeng nurse matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa bahagi ng Oblates Drive, Barangay Rosary Heights 7, Cotabato City, nitong ika-5 ng Abril 2025.
Kinilala ng mga awtoridad ang biktima sa alyas na “Riza,” 36 taong gulang, at isang registered nurse na kasalukuyang naka-assign sa Cotabato Regional and Medical Center.
Ayon sa paunang ulat ng pulisya, palabas umano si Riza ng kanyang tinutuluyang bahay at patungo na sana sa kanyang trabaho sa ospital nang bigla siyang salubungin ng suspek at pagbabarilin sa hindi pa matukoy na motibo. Matapos ang pamamaril ay mabilis na tumakas ang suspek sakay ng motorsiklong walang plaka.
Agad namang rumesponde ang mga concerned citizens at itinakbo ang biktima sa CRMC, kung saan kasalukuyang nilalapatan ng lunas at nasa ligtas nang kalagayan ayon sa mga doktor.
Narekober ng mga imbestigador sa crime scene ang isang basyo ng bala ng caliber .45 na pinaniniwalaang ginamit sa krimen.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng Cotabato City Police Office upang matukoy ang pagkakakilanlan ng salarin at ang motibo sa likod ng karumal-dumal na insidente.
Samantala, nanawagan ang pamilya ng biktima at ang pamunuan ng CRMC sa publiko na agad ipagbigay-alam sa mga awtoridad ang anumang impormasyon na maaaring magturo sa suspek upang agarang makamit ang hustisya.