Tiklo ang dalawang lalaki matapos makumpiskahan ng ilegal na baril bandang 6:30 ng gabi nito lamang Enero 5, 2024 sa Zone 3, Barangay Tulay, Jolo, Sulu.
Kinilala ang mga suspek na sina alyas “Jibs” 32 anyos at alyas “Wil” 42 anyos, pawang residente ng naturang lugar.
Bandang 6:30 ng gabi nang naganap ang naturang operasyon nang harangin ang isang Kawasaki motorcycle sakay ang dalawang lalaki matapos mapansin ng mga otoridad na wala itong plaka.
Dumaan sa pagsusuri ang mga suspek at napansin ng mga operetiba ang isang suspek na may dalang di lisensyadong isang unit ng Cal. 45 Pistol na may Serial Number 974863; isang magazine at may anim na bala. Kasong paglabag sa R.A.10591 o ang Comprehensive Law on Firearms and Ammunition Regulation Act ang kakaharapin ng mga suspek.
Samantala, ang laban kontra kriminalidad ay patuloy na pinapaigting ng PNP upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan tungo sa pagsulong ng bansa.
