Patay ang isang magsasaka matapos pagbabarilin sa Barangay Kaya-kaya, Datu Abdullah Sangki, Maguindanao del Sur nito lamang ika-28 ng Enero 2025.
Kinilala ang biktima na si alyas “Nasser,” 51 anyos, isang magsasaka at residente ng nasabing lugar.
Ayon sa imbestigasyon, minamaneho ng biktima ang isang farm equipment nang bigla tambangan ng hindi pa nakikilalang mga suspek.
Tinamaan ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.
Narekober ng PNP ang apat na basyo ng bala mula sa crime scene.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang motibo sa krimen at ang mga nasa likod ng pamamaril.
Hinihikayat naman ng pulisya ang sinumang may impormasyon tungkol sa insidente na makipag-ugnayan sa awtoridad upang mapabilis ang paglutas sa kaso at mapanagot ang mga may sala.