General Santos City – Dalawang magnanakaw ng kilalang supermarket ang nadakip ng mga awtoridad sa Purok Malakas, Brgy. San Isidro, General Santos City nito lamang ika-8 ng Oktubre 2023.
Kinilala ng General Santos City PNP, ang dalawang suspek na sina alyas “Chamber”, 26-anyos, at residente ng Brgy. Dadiangas North General Santos City; At alyas “Filjun”, 23, residente naman ng Brgy. San Isidro, General Santos City.
Ang dalawang suspek ay parehong bagger ng kilalang supermarket.
Sa report ng General Santos City Police Station 4, nabisto ng lady guard ang patagong pagkuha ng dalawang suspek ng ilang good items na inilagay sa loob ng kanilang apron uniform.
Narekober mula kay alyas “Chamber” ang isang damit na pambata na nagkakahalaga ng Php219 habang isang short ng pambata na nagkakahalaga ng Php219 at isang toothbrush na may tinatayang halaga na Php226.75 naman ang narekober mula kay alyas “Filjun”.
Agad na hinuli at dinala sa himpilan ng pulisya ang suspek na ngayo’y nahaharap sa kasong Qualified Theft.