South Cotabato – Labis na pinagsisisihan ng isang security guard ang ginawang pananaga na nagresulta ng pagkamatay ng kanyang bayaw sa Purok Mabuhay, Brgy. Lambayong, Tampakan, South Cotabato nito lamang Oktubre 15, 2023.

Kinilala ang suspek na si alyas “Reynaldo”, 42-anyos, may asawa at residente ng naturang lugar.

Sa pagkakaaresto ng suspek, emosyonal itong humingi ng tawad sa mga naulilang pamilya ng biktima na si alyas “Nicanor”, 60-anyos, may asawa at residente rin ng nasabing lugar.

Sa inihayag ng suspek, hindi umano nito sinadya ang pananaga at handa niyang pagbayaran ang kanyang nagawang krimen.

Depensa naman ng suspek, paaalis na sana siya papunta sa kanyang trabaho ngunit tinaga umano siya ng kanyang bayaw gamit ang itak ngunit tumama aniya ito sa pintuan.

At dahil sa galit at takot na maunahan, inagaw ng suspek ang nasabing itak tinaga ang kanyang bayaw hanggang sa mamatay.

Patuloy ang Tampakan PNP sa pagsagawa ng malalim na imbestigasyon at pag-asikaso sa kaukulang kaso laban sa suspek.

By Shaider

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *