General Santos City – Arestado ng pulisya ang dalawang lalaki matapos makuhanan ng isang baril at itak nito lamang Oktubre 15, 2023.
Kinilala ang dalawang suspek na sina alyas “Brando”, 54-anyos, may asawa, care taker at residente ng Barangay Mabuhay, General Santos City; at alyas “John Mark”,18, walang asawa at residente naman ng Barangay San Jose, Banga, South Cotabato.
Nahuli ang dalawang suspek bandang alas-9:55 ng gabi sa Purok Matatag, Barangay San Isidro, General Santos City ng mga tauhan ng General Santos City Police Station 4.
Hinuli ang dalawa nang makatanggap ng impormasyon ang nasabing istasyon galing sa isang concerned citizen tungkol sa ginagawang panggugulo ng mga suspek sa naturang lugar.
Nang respondehan ito ng pulisya, narekober ang isang yunit ng Cal. 45 pistol na may kasamang magazine at walonh bala, at isang itak o bolo.
Nahaharap ang dalawang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) at BP 06 (Illegal Possession of Deadly Weapon) kaugnay sa Omnibus Election Code.
Nagpa-abot naman ng pasasalamat ang pamunuan ng General Santos City PNP sa ating mga concerned citizens na nakikipagtulungan para sa ikatatagumpay ng ating kampanya laban sa kriminalidad, higit lalo ngayong panahon ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections 2023.