Isinagawa ang masusing inspeksyon sa iba’t ibang polling center at Municipal Police Stations sa lalawigan ng Misamis Oriental nito lamang ika-11 ng Mayo 2025, bilang bahagi ng mga paghahanda para sa darating na halalan.
Pinangunahan ni Police Colonel Wilbur M Salaguste, Provincial Director ng Misamis Oriental Police Provincial Office, ang inspeksyon upang tiyaking handa ang bawat istasyon at polling center sa pagpapanatili ng kaayusan at seguridad sa panahon ng halalan.
Binigyan din ni PCol Salaguste, ang mga kasapi ng Motorized Anti-Street Crime Operatives (MASCO), ang kahalagahan ng pinalakas na presensya sa mga lugar na matao at ang kahandaan sa mabilisang pagtugon sa anumang insidente.
Bilang karagdagang hakbang, isinulong rin ng opisyal ang paglalagay ng mga Closed-Circuit Television (CCTV) sa Kinoguitan Municipal Police Station.
Ang hakbanging ito ay naglalayong mapabuti ang kakayahan ng kapulisan sa pagmamanman at pagresponde, na susi sa pagkakaroon ng mapayapa at maayos na halalan.
Ang mga inisyatibong ito ay patunay ng determinasyon ng Misamis Oriental PNP na protektahan ang karapatan ng bawat mamamayan na bumoto sa isang ligtas at maayos na kapaligiran.
