Patay ang tatlong indibidwal at dalawa ang sugatan sa mga supporters ng tumatakbong alkalde sa Basilan nito lamang madaling araw ng Lunes, Mayo 12, 2025 malapit sa coastal area ng Sangbay Big, Hadji Muhtamad, Basilan.
Inamin mismo ni Hadja Hannah Mansul, misis ni Former Hadji Muhtamad Mayor Jamar Mansul, na inambush sila ng mga armadong lalaki.
Kinilala ang mga namatay na sina Samir Jamiri, Ramusi Abdurakman at Ben Mapil, dahil sa tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan habang dalawang iba pa ang sugatan.
Nabatid na nakasakay sa isang speedboat ang grupo ng mga supporter ni Mansul, na magsisilbi sanang poll watcher sa bubuksang halalan kasama ang kaniyang asawa nang pinaulanan ng bala ng mga armadong lalaki, gamit ang high power fire arms.
Sinundo ng mga tauhan ng PNP Special Action Force (SAF) at Philippine Army para madala sa mainland ng Basilan ang bangkay at malapatan ng gamot ang mga sugatang indibidwal.


