Masayang ipinagdiriwang ang pormal na pagbubukas ng ikatatlong taon ng Mango Harvest Festival bilang pasasalamat sa masaganang ani ng mga mangga sa probinsiya na inilunsad ng pamahalaang panlalawigan ng Cotabato sa The Basket, Capitol Compound, Amas, Kidapawan City na gaganapin mula Mayo 28-30 , 2025.
Nakiisa sa pagdiriwang sina Board member Jonathan Tabara, Board member-elect Rosalie Cabaya, Provincial Advisory Council (PAC) members, Amalia J. Datukan, Engr. Eliseo Mangliwan, at Dr. Gary Dondonayos, kasama sina DA-12 Agricultural Program Coordinating Officer Rey Domingo, DTI Provincial Director Ferdinand C. Cabiles at mga agri-companies.
Tampok sa tatlong araw na programa ang Mango Eat All You Can kung saan sa halagang 80 pesos ay matitikman ang matamis at masarap na produktong mangga ng probinsya mula sa 13 na mga mango associations sa iba’t ibang mga bayan sa lalawigan.
Ayon sa datos ng Office of the Provincial Agriculturist (OPAg) nasa 1,500 kilos na fresh mangoes ang inihanda ng kapitolyo para sa lahat ng makikiisa sa unang araw ng aktibidad.
Mabibili rin dito ang ilang mga produkto gaya ng mango juice, puree, dried mangoes, ice cream at marami pang iba.
Ang selebrasyong ito ay nagpapatunay ng pagkakaisa ng bawat taga Cotabato sa produksiyon ng mangga.

