Kinumpirma ng mga awtoridad na ang tatlong bangkay ay ang mga nawawalang residente mula sa Calatagan, Batangas na natagpuan sa isang taniman sa Sitio Goma, Barangay Nabundas, Shariff Saydona Mustapha, Maguindanao del Sur nito lamang Biyernes, Mayo 30, 2025.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Jopy Ventura, Spokesperson ng Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region, nakilala ang mga biktima matapos kinumpirma ng kanilang mga kapamilya dahil sa pagkakatulad ng mga personal na gamit at pananamit.
Kinilala ang mga biktima na sina John Luis Olarte, at ang pinsan nito na si Gerry Olarte, at si Ronald Alumno.
Nabatid na huling namataan ang tatlo noong Mayo 11 habang nagde-deliver ng mga alagang kambing sa nasabing lugar.
Pagkaraan ng ilang araw na hindi nakauwi, isinailalim sa missing persons report ang mga biktima.
Napag-alaman na isang concerned citizen ang nagbigay ng impormasyon dahilan upang madiskubre ang lugar ng pinaglibingan.
Natuklasan ang mga bangkay na nakalibing sa mababaw na hukay at pawang nakatali pa ang mga kamay—isang indikasyon na posibleng biktima ng karahasan.



Patuloy ang malalim na imbestigasyon ng PRO BAR upang managot ang nasa likod ng pamamaslang at nanawagan ng tulong at kooperasyon sa mamamayan na agad ipagbigay-alam sa kanilang himpilan upang mabilis na malutas at mabigyan ng hustisya ang mga pamilya ng biktima.